NAGMAHAL, NAGHINTAY...
Ang Kwento ng Pag-ibig ni Blessed Alberto Marvelli
Ang pag-ibig ay nakapagbigay inspirasyon sa napakaraming manunula at mga alagad ng sining upang makagawa ng mga obra maestra. Ito ay kahit parang wala namang makapaglarawan ng pakiramdam kapag nagmamahal tayo.
Bilang dating guro at lider kabataan, naobserbahan ko na walang ibang pinakabumubuhay na paksa sa anumang usapan kasama ang mga kabataan kundi ang pag-usapan ang tungkol sa romantikong pag-ibig. Kapag talagang naranasan na ang magmahal, wala ng makakatapat sa napakahiwaga at pambihirang pakiramdam na kaakibat nito.
Kaya bilang isang mahilig magbasa ng talambuhay ng mga Santo nasiyahan ako at nanabik sa mga istorya ng pag-ibig na aking nabasa. (ito ay bukod sa love story nila sa Diyos). Hindi naman pala lahat ng talambuhay ay kuwento ng pag-ibig sa Diyos lamang ang naisulat kundi sa mga santong hindi naman pari o relihiyoso ang marami ring natatanging mga kwento ng pag-ibig.
Masasabing iba-iba din ang karanasan na pwede nating malaman tungkol sa kanila.
Ibabahagi ko ang ilang sa mga nakapukaw sa aking mga istorya.
Nagkakilala, nagka-aminan, Nauwi sa kasalan.
Muntik na akong mapa-tumbling ng mabasa ko ang palitan ng sulat ni St. Gianna Beretta at ng kanyang noon ay manliligaw (kalaunan napangasawa na rin niya) na si Pietro Molla. Nagulat ako ng malaman ko na sinira ng santa ang karaniwang kalakaran sa pagliligawan. Siguro dahil siya noon ay 33 taong gulang na (medyo may edad na), hindi na nagpatumpik tumpik pa si St. Gianna at siya na ang unang nag-“I love you”! Nangyari ito matapos lamang ng mahigit dalawang buwan nilang pagkakakilala at ilang beses na pagkikita at pag-uusap. May likas na pagkamahiyaan kasi si Pietro (torpe lang) at swerte naman dahil iba si St. Gianna. Matapos ang mahigit isang buwan ng pagiging magkasintahan, naging engaged na sila at pagkatapos ng limang buwan (September 24, 1955) nagpakasal na sila.
Nagkasalubong. Nagkatinginan. Nauwi sa kasalan!
Naiiba naman ang kwento ng pag-ibig ng mga magulang ni St. Therese of Lisieux, na ngayon ay mga santo na din – sina St. Louis at St. Zelie Martin. Noong sila ay mas bata pa, pareho nilang ninais na pumasok sa buhay relihiyoso – si St. Louis ay gustong maging monghe at si Zelie naman ay gustong maging madre. Ngunit sa mga hindi inaasahang dahilan at sitwasyon ay hindi sila natanggap sa kanilang mga sinubukang pasukan. At ang istorya ng pag-ibig nila ay nagsimula sa isang pagkakasalubong at pagkakatinginan sa isang tulay. Tila may boses na narinig si Zelie sa kanyang isipan na nagsabing ito na ang lalaking para sa kanya. Hindi nga naglaon nagkakilala sila at matapos ang tatlong buwan, kasalan na. Hindi naman sila masyado excited. Nabiyayaan sila ng siyam na anak, at ang bunso ay isa sa mga pinakasikat na santo ngayon – si St. Therese of Lisieux.
Nagka-isyu. Napayuhan. Nauwi sa kasalan.
Mayroon ding istorya ng nagkagipitan, nauwi sa kasalan. Ito naman ay kina Blessed Bartolo Longo at Kontesa Mariana ng Fusco. Si Bartolo Longo ay masipag na tagapagpalaganap ng debosyon sa rosaryo at sa Mahal na Birhen sa Pompei, Italy. Sa gawaing ito niya nakilala ang noon ay isang balo na na si Kontesa Mariana ng Fusco na naging mayamang benefactress (tagapagtangkilik) niya sa mga gawaing pansimbahan. Nabuo sa pagitan nila ang matalik na pagkakaibigan ngunit dahil sa mga kumakalat na mapanirang usapan tungkol sa ugnayan nila, sila ay pinayuhan ng mga paring kaibigan na magpakasal na lamang upang maipagpatuloy ang kanilang mga gawaing pagkakawanggawa ng walang gulo, isyu at problema. Ito naman ay ginawa na rin nila.
Nagmahal. Nagsakipisyo. Nasawi.
Gusto ko rin naman ang istorya ng nasawing pag-ibig ni Blessed Pier Giorgio Frassati (may naalala kasi ako sa Starbucks. hahaha). Noong siya ay 23 taong gulang, nadama nyang nahulog na ang loob niya para sa kanyang kaibigang si Laura Hidalgo. Ang kaugalian noong panahon nila ay maaring iba na sa panahon ngayon. Dahil si Blessed Pier Giorgio ay nagmula sa may sinasabi sa buhay na pamilya (ang ama Niya ay dating senador ng Italya at noong panahong iyon ay ambassador ng Italy sa Germany), kailangan pa ni Pier Giorgio hingin ang pagpayag ng kanyang magulang kung nais niyang pumasok sa isang relasyon. Dahil hindi sila pareho ni Laura ng estado sa buhay, batid niya na hindi makapapayag ang kanyang mga magulang. Noong mga panahong iyon na malalim na ang nadarama niya kay Laura, noon naman din nataong mainit ang sitwasyon sa pagitan ng relasyon ng kaniyang mga magulang at nasa punto na ng paghihiwalay, kaya nagpasya na lang si Giorgio na sarilinin ang nadarama at huwag nang ituloy ang pagtatapat kay Laura. Aniya, walang dahilan para bumuo ng isang bagong ugnayan sa ibabaw ng mga guho ng nasirang ugnayan – ayaw na niyang makadagdag pa sa drama at di pagkakaunawaan sa pamilya na maaring mag-ugat sa tuluyang pagkakasira ng relasyon ng kanyang mga magulang.
Pero isa sa mga paborito kong kwento ng pag-ibig ay yung kay Blessed Alberto Marvelli – ang banal na ginugunita natin sa araw na ito.
Si Blessed Alberto ay kilala para sa kanyang walang pagod na pagtulong sa mga mahihirap at naging biktima ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kanilang siyudad sa Rimini, Italya. Marami din siyang nailigtas mula sa pagkaka-deport patungong concentration camps noong panahon ng mga Nazi sa pamamagitan ng pagdidistrungka ng mga kandado ng mga kotse ng tren at pagpapalaya sa mga naisakay bago ito tumulak sa pagbibiyahe. Ito ay kahit na kapalit noon ay panganib sa kanyang buhay. Gayon din ang panganib na sinusuong niya tuwing matapos ang mga pagbabagsak ng bomba ng mga eroplano ng kaaway, susuyurin niya ang lunsod para sa mga sugatan at nawalan ng tirahan upang tulungan sila. Matapos ang giyera, dahil sa kaniyang pagiging isang inhinyero, naglingkod din siya bilang konsehal ng bayan na namahala para sa pang-imprastrakturang gawain ng pagbangon mula sa giyera. Ang lahat ng mga walang pagod na gawain at kabayanihang ito ay nauugat sa kanyang malalim na debosyon kay Hesus sa Banal na Eukaristiya at sa Mahal na Birhen.
Dahil sa pagiging aktibo sa mga gawaing pansimbahan at masidhing pagmamahal sa Diyos, hindi kataka-taka na sa isang punto ng buhay niya ay pumasok sa isip niya ang bokasyon sa pagpapari. Sa ilang pagkakataon ngang nagkikita sila ng kanyang Obispo, palagi siyang binibiro: “Engineer, may panahon pa!” (hindi pa huli para tumugon sa tawag ng pagpapari).
Sa gitna ng pagsisikap na alamin ang estado ng buhay na inilaan sa kanya ng Diyos, sa pamamagitan ng paggabay ng isang pari, napagtanto niyang ang kaniyang bokasyon ay para sa pagbubuo ng pamilya.
Kasabay ito ng pagkahulog ng kanyang damdamin sa isang babaeng nangngangalang Marilena Alde.
Nakilala niya si Marilena noong ito ay 15 anyos pa lamang at sa pagdaan ng panahon ay lumalim ang kanilang pagkakaibigan na nauwi sa pagpapalitan ng mga sulat, bagaman at hindi nakakasagot si Marilena nang ganon kadalas.
Sa gitna ng ugnayang ito, dumating na sa punto na nadama ni Blessed Alberto na si Marilena na ang babaing nais niyang mapangasawa ngunit dumating ang mga pagkakaton ng di kasiguraduhan siyang pinagdaanan.
Noong Hulyo 27, 1946, dalawang buwan bago mamatay si Alberto, matapos magkonsulta sa isang pari tungkol sa kanyang bokasyon at matapos na mapag-isipang mabuti, sumulat siya ng mahaba kay Marilena. Narito ang ilang bahagi ng nasabing sulat:
Minamahal kong Marilena,
Pinagnilayan kong muli ang aking ipinahayag sayo noong isang gabi at nais kong ulitin muli, na binibigyan kita ng buong kalayaang tumugon ng hindi isaalang-alang ang mga kaakibat na sitwasyon kundi ang tanging iyong nadarama – ang posibilidad na ako rin ay ibigin mo, tanggapin ako, sa lahat kong kahinaan at pagkukulang…
Sa bandang huli, huwag kang magmadali sa pagsagot: sa loob ng mahabang mga taon, natutunan ko nang maghintay sa mga liham mo kahit abutin ng maraming buwan. Sulatan mo ako kung iyo nang maisipan, ang iyong nadarama, ng buong katapatan; matatag na ako para pa panghinaan ng loob, at may sapat akong katiyagaan upang maghintay muli! Masyado kong minamahal ang Panginoon para lumaban o lumuha para sa malinaw na magiging kalooban Niya, at higit sa lahat, minamahal kita ng labis kaya hangad ko lamang ang iyong ikaliligaya, maging ito man ay mangahulugan ng paghihirap at pagbitiw para sa akin.
Ang iyong Alberto
Ang sulat na ito ay nanatiling walang tugon.
At noong gabi ng Oktubre 5, 1946, habang nagbibisikleta patungo sa isang miting de avance para sa eleksiyon kinabukasan, nabangga siya ng isang sasakyang militar na noo’y na mabilis na tumatakbo. Siya ay 28 taong gulang noon.
Ang mga kwento ng romantikong pag-ibig nila ay naging bahagi din sa kanilang paglago sa pag-ibig sa Diyos – ang Pag-ibig na tila puwersang nagtulak sa kanila upang ibahagi din ito sa isang nakapagbibigay buhay na pag-ibig.
Hanggang sa buhay-pag-ibig at sa kaligayahan, ang mga banal ay walang hinagad kundi ang kalooban ng Panginoon.
Minsan isinulat ni St. Gianna:
"Ang lahat ng pamamaraan ng Diyos ay maganda dahil ang katapusan nito ay iisa at pareho: ang kaligtasan ng ating mga kaluluwa at ang pagtatagumpay na makapagdala tayo sa langit ng maraming kaluluwa na magbibigay papuri sa Diyos."
Turuan nawa nila tayo na hanapin palagi ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay.
Blessed Alberto Marvelli, Ipanalangin mo kami.